-- Advertisements --

Kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapasabog ng New People’s Army (NPA) sa isang improvised explosive device (IED) sa highway sa Sta. Cruz, Ilocos Sur, kung saan dumadaan ang mga sibilyang motorista.

Ang nasabing aksyon ng NPA ay bahagi ng kanilang pagdiriwang sa kanilang ika-48 taong anibersaryo ngayong araw.

Ayon kay 7th Infantry Division Commanding General M/Gen. Angelito De Leon, walang bago sa ginawa ng NPA lalo na sa paghahasik ng karahasan.

Giit ng heneral na malinaw na walang pakialam sa kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan ang rebeldeng grupo.

Ipinag-utos na rin ni De Leon sa lahat ng kaniyang mga tropa na maging alerto upang maiwasan ang iba pang mga planong karahasan.

Sinabi ni 81st Infantry Battalion, commanding officer Lt Col. Eugenio Julio Osias, na ang IED ay itinanim sa tabi ng isang barangay road na dalawang kilometro lamang ang layo sa kanilang headquarters.

Bandang alas-12:15 kahapon ng tanghali nang pinasabog ng NPA ang IED habang dumadaan ang mga tropa ng 81st IB lulan ng isang military truck.

Walang nasaktan sa mga tropa pero nagtamo ng pinsala ang kanilang sasakyan.

Muntik na ring masabugan ang isang teenager na sakay ng motorsiklo at kasalukuyang nasa state of shock nang saklolohan ng mga sundalo.

Dagdag ni Osias na talagang gawain na ng NPA noon pa man na magsagawa ng harassment, murder, rape, arson at extortion para ipagdiwang ang kanilang anibersaryo.