-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tinitingnan ng mga awtoridad na posibleng paghihigante ng mga rebeldeng New People’s Army o NPA an ginawang pagpapasabog sa sasakyan ng Department of Public Works and Highways sa bayan ng Milagros, Masbate.

Sugatan sa insidente ang isa sa mga lulan ng sasakyan habang ligtas ang tatlong iba pa.

Ayon kay Police Maj. Aldrin Rosales, hepe ng Milagros PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa ito sa paraan ng grupo upang maipakita ang kanilang pwersa sa lalawigan.

Kwento pa ng opisyal na tatlong araw bago ang insidente, nagsagawa ng operasyon ang tropa ng pamahaalan laban sa rebeldeng grupo na nauwi sa pagkarekober ng ilang mga matataas na kalibre ng armas.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang bombang ginamit sa insidente ay kapareho ng ginagamit ng rebeldeng grupo sa mga roadside bombing.

Samantalan, sa kabila nito tiniyak ni Rosales na nananatiling normal ang peace and order sa bayan at walang dapat na ipangamba ang mga residente dahil patuloy na nakabantay ang kapulisan at Philippine Army.