-- Advertisements --
Isulan Sultan Kudarat ied 1
Isulan, Sultan Kudarat (photo courtesy Allan Anthony Pullan)

CENTRAL MINDANAO – Mariing pinabulaanan ni BIFF-BIFM spokesman Kumander Abu Misry Mama na sila ang nasa likod s panibagong pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat.

Hindi raw nila gawain ang saktan ang mga inosenteng sibilyan.

Matatandaan na walong mga sibilyan ang nasugatan sa pagsabog ng isang pinaniniwalaang improvised explosive device (IED) sa gilid ng kalsada malapit sa public market sa Brgy Calawag 3, Isulan, Sultan Kudarat.

Babae umano ang nag-iwan ng bomba base sa kuha ng CCTV na sinusuri pa ngayon ng mga otoridad.

Kinumpirma rin ni Isulan chief of police, Lt. Col. Joven Bagaygay na karamihan sa mga negosyante sa bayan ng Isulan ay tumanggap ng extortion letter at nagbanta pa ang mga suspek na magpapasabog kung sila ay mabigong magbigay ng protection money.

Una nang sinabi ni Isulan Mayor Marites Pallasigue na may mga grupo na humihingi sa kanila ng pera.

Sa imbestigasyon ng mga otoridad lumalabas na ang bombang ginamit sa pagpapasabog ay kapareha ng mga IED na unang sumabog sa bayan ng Isulan noong nakalipas na taon at kagagawan ng grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group).

Kinondena rin ng militar at pulisya ang pagsabog sa Isulan at nanawagan sa mga residente na mapagmatyag.

“We criticize and condemn the latest IED attack in Isulan that victimized not only our forces who dutifully perform their mandated task but also the civilians who were in the vicinity of the explosion,” ani Colonel Efren Baluyot, commander ng 1st Mechanized Infantry (Maaasahan) Brigade.

Nalungkot din si WestMinCom chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa nangyaring pagsabog sa Isulan sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na mapanatili ang matiwasay at mapayapang komunidad.

“I enjoin everyone to offer their prayers for the speedy recovery of the victims and for the enlightenment of the perpetrators who aim to undermine the stability of Sultan Kudarat,” dagdag pa ni Sobejana.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng pinagsanib na pwersa ng militar, pulisya at mga force multipliers ang seguridad sa Isulan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa panibagong pagsabog.