-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Sisikapin ng local government unit (LGU) ng Lungsod ng Butuan na makapagsagawa ng pulong kasama ang mga concerned government agencies.

Ito’y upang tuluyan nang mapatupad ang Securities and Exchange Commission (SEC) advisory para sa pagpapasara ng mga tanggapan ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Inc.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni city administrator Reynante Desiata na matapos nilang matanggap ang SEC advisory noong May 2 ay agad silang nagtakda ng pulong sa pagitan ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) ngunit hindi natuloy dahil sa apela ng KAPA.

Posibleng ngayong linggo o kaya’y sa susunod na linggo magaganap ang kanilang pulong upang pag-aralan ang pagpapatupad na sa kautusan lalo na’t marami umanong mga pulis ang miyembro ng KAPA.

Samantala, inihayag ni Police Captain Emmerson Alipit, tagapagsalita ng Butuan City Police Office, na handa silang mag-assist lang base na rin sa nakasaad sa SEC advisory.

Pinabulaanan din nito ang alegasyon ng karamihan na ang hindi nila pag-aksyon agad sa SEC advisory ay dahil maraming mga pulis ang miyembro ng KAPA.