Nagpasaklolo ngayong Miyerkules sa Korte Suprema ang KAPA Community Ministry International Inc. matapos ipag-utos ng Pangulong Duterte ang pagpapasara rito.
Sa petisyong inihain ni Manuelito Traya at Roberto Apduhan, Sr., sa pamamagitan ng abogadong si Atty. Engracio Icasiano, hiniling nila sa Supreme Court (SC) na ihinto o baliktarin ang direktiba ng Securities and Exchange Commission (SEC) na pagpapasara sa KAPA.
Hinihingian din ng KAPA ng P3 billion na bayad danyos sina Pangulong Rodrigo Duterte at SEC Chair Emilio Aquino na mga respondent sa kaso.
Maliban dito, nais din ni KAPA na sumailalim sa impeachment proceedings si Duterte dahil umano sa paglabag sa Art. II at Art. III o ang Bill of Rights of the Philippine Constitution.
Kasama rin sa mga respondent sa kaso sina PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierra, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), pahayagang Sunstar Cebu maging ang online News Site na Rappler at CEO nitong si Maria Ressa.
Una rito, ipinag-utos ni Duterte ang pagpapasara sa KAPA dahil naniniwala ang pangulo na isa itong pyramiding scam.
Iginiit ng Pangulo na ang 30 percent interest ng KAPA investments ay “too good to be true†at malinaw umanong scam.
Sa ngayon, patuloy pang pinaghahanap ng NBI ang founder nitong si Pastor Joel Apolinario na kasalukuyang nagtatago sa batas.