Nagpapatuloy na ngayon ang pagpapasara ng Philippine National Police (PNP) sa mga lotto outlets sa buong bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang lahat ng gaming schemes gaya ng lotto, Small Town Lottery (STL), Peryahan ng Bayan at iba pang laro na nasa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa korupsyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde, maaga pa kaninang umaga nang isagawa nila ang closure operations sa mga lotto outlets lalo sa STL na ginagawang front sa mga iligal na sugal gaya ng jueteng.
Ayon kay Gen. Albayalde, inaatasan nito ang mga regional directors ng PNP na ipatupad ang direktiba ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, binalaan ni Gen. Albayalde ang mga pulis na maaaring magsamantala at mangotong sa mga lotto outlets owners.