CAGAYAN DE ORO CITY – Malaking pabor umano para sa pulisya ang mungkahi na nakatakdang gagawan ng Korte Suprema ng resolusyon na pagpapasuutin sila ng body cameras kung magsasagawa ng mga operasyon partikular sa kampanya kontra ilegal na droga na patuloy na laganap sa buong bansa.
Ito ang pagtugon ng Police Regional Office 10 matapos inanunsyo ng Korte Suprema na hindi na magtatagal ay magsusuot na ng body cams ang lahat ng law enforcement agencies na maglulunsad ng anti-criminality operations lalo na sa anti-illegal drugs operations na kung minsan ay magre-resulta na masawi ang kanilang targeted subjects dahil umano’y nanlaban.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PR0 10 spokesperson Capt Francisco Sabud na sa pamamagitan ng bagong hakbang ay mas mamamayani pa ang pagiging transparent sa lahat ng kanilang mga operasyon kabilang ang pagsilbi ng warrant of arrest o search warrants laban sa ipinag-utos ng korte na arestuhin o iimbestigahan.
Inihayag ni Sabud na umaasa sila na maisakatuparan sa mas lalong madaling panahon upang mawaksi na ang opinyon ng publiko na mayroong pagmamalabis ng puwersa o talagang sinadya na patayin ang ilang street drug pushers na ma-subject sa mga operasyon.
Magugunitang nabigyang atensyon ito ng Korte Suprema matapos ang madugo na pagsilbi ng PNP at AFP sa search warrants laban sa ilang mga aktibista kung saan nag-resulta nang pagkasawi ng siyam na target dahil nanlaban umano sa Calabarzon Region dalawang linggo na ang nakalipas.
Napag-alaman na maging dito sa Northern Mindanao,mataas ang bilang ng umano’y ‘nanlaban’ isyu na kinaharap ng PRO-10 habang ilan rin sa kanilang mga pulis ang nasawi at sugatan nang magresulta sa madugo ang anti-illegal drugs operations noong ikinasa ang tinaguriang war on drugs ng Duterte administration.