KORONADAL CITY – Malaki ang paniniwala ni Atty. Nena Santos, private prosecutor ng Maguindanao massacre na may kaugnayan sa trial ang motibo sa pananambang sa mga testigo sa national highway sa bayan ng Tantangan, South Cotabato nitong umaga ng Miyerkules.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronada kay Atty. Santos, makailang beses na rin na tinangkang patahimikin si Mohammad Sangki, nangungunang witness sa massacre at iba pang testigo sa krimen.
Ayon pa kay Santos, mula sa lungsod ng Tacurong ang sasakyan ni Sangki, kasama ang driver at dalawang iba pa na papuntang General Santos Airport at pabalik sana ng Metro Manila nang tinambangan sa national highway sa bayan ng Tantangan ng mga suspek na nakasakay sa itim na Montero.
Kinumpirma naman ni Col. Jemuel Siason, provincial director ng South Cotabato, dead on arrival na nang dumating sa ospital si Richard Escovilla, DOJ personnel at detailed driver umano ng mga testigo sa ilaim ng Witness Protection Program (WPP) – DOJ.
Dinala naman sa ospital at nilalapatan ng lunas ang iba pang sakay ng Toyota Innova dahil sa impact matapos na bumangga ito sa isang kainan at nasa ligtas na sitwasyon na ang mga ito.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pangyayari.