-- Advertisements --

Naniniwala si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment ay isang naaakmang hakbang upang maibalik ang pananagutan sa pamahalaan.

Sinabi ni Khonghun, chairman ng House Special Committee on Bases Conversion, na ipinapakita ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) ang lumalalang pagkadismaya ng taumbayan sa korapsyon sa gobyerno at ang kanilang panawagan para sa matapang na aksyon laban sa mga lumalabag sa tiwala ng publiko.

Pinunto rin niya na ang katiwalian ay hindi lamang tungkol sa pagnanakaw ng pera mula sa kaban ng bayan, kundi pati na rin sa kawalan ng tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng gobyerno. Ayon sa kanya, kung hindi papanagutin ang may sala, hindi matitiyak na ang mga institusyon ay tunay na para sa tao.

Nangangamba ang mambabatas na kung hindi mapanagot ang matataas na opisyal, mas lalong lalaganap ang katiwalian at magiging mas mahirap isulong ang tunay na pagbabago.

Hinikayat ni Khonghun ang mga Pilipino na maging mapagmatyag sa nalalapit na halalan sa 2025, paalala niya na nagsisimula ang laban kontra korapsyon sa tamang pagboto.