Muling binuhay ang panawagan na patalsikin o pauwiin na sa China ang staff at Ambassador ng Chinese Embassy na nakabase sa Pilipinas kasunod ng seryosong insidente sa Ayungin shoal noong Hunyo 17 ng kasalukuyang taon.
Ayon sa maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal, hindi nagagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin para sa pagpapatibay ng diplomatikong ugnayan.
Hindi aniya nakakatulong ang Chinese Embassy sa pagtugon sa nagpapatuloy na mga isyu kaugnay sa West Philippine Sea na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Giit pa ng opisyal bagamat seryoso ang nangyari matapos maputulan ng daliri ang isa sa tropa ng bansa hindi ito dahilan para magkagiyera at sa halip ay ayusin sa pamamagitan ng diplomasiya at sa mapayapang paraan.
Sa ngayon, ang nagsisilbing Chinese Ambassador to the Philippines ay si Huang Xilian na nauna na ring inirekomenda ng ilang mga Senador na pabalikin na sa China dahil sa paulit-ulit na agresibong aksiyon ng China sa WPS kabilang na ang pambobomba ng water cannon sa mga barko ng PH.
Subalit nauna na ring sinabi noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kailangang i-expel si Huang dahil kahit na palitan ito ng bagong envoy ay patuloy pa rin nilang ihahayag ang naratibo o posisyon ng China pagdating sa mga isyu sa pinagaagawang karagatan.