-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Naniniwala ang kontrobersyal na si Ozamiz City Philippine National Police (PNP) Director Maj. Jovie Espenido na ang pagpapalakas sa pananampalataya sa Diyos ang susi upang masolusyonan na ang problema sa mga kapulisang nasasangkot sa mga iligal na gawain.

Ito’y sa gitna ng kinakaharap na kontrobersya ng PNP tungkol sa pinaniniwalaang ninja cops na nasa likod ng recycling of drugs.

Ayon kay Espenido, kailangang bigyang-diin ang pagpapatatag ng ispiritwal na aspeto sa bawat pulis dahil hindi magiging epektibo ang pagiging isang law enforcer kung walang pananampalataya sa Diyos.

Ito aniya ang kanyang ipinapatupad sa kanilang lugar sa Ozamiz na nakamit na ang zero crime rate, kung saan kanilang tinututukan ang ispiritwal na pananampalataya ng bawat pulis upang magkaroon ng disiplina at hindi malulong sa iligal na gawain.

Isa na rito pagbibigay ng incentives o allowance kung saan hindi makakatanggap ang mga pulis na hindi naisasaulo ang ten commandments.

Samantala, muling binigyang-diin ni Maj. Espenido na hindi lang ang mga pinaniniwalaang ninja cops ang dapat imbestigahan kundi pati na rin ang protektor ng mga ito.