-- Advertisements --
joeysalceda 1

Nagbabala si House Committee on Ways and Means Chairperson Joey Salceda sa Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa plano ng ahensiya na magpataw ng 1% withholding tax sa online sellers sa Disyembre.

Ayon sa mambabatas at ekonomista, walang matibay na basehan ang naturang polisiya kung walang batas dito at kung walang komprehensibong konsultasyon.

Mas mainam aniya na mag-antay para maipasa ang isang batas bago mangolekta ng buwis mula sa taumbayan.

Tinutukoy ni Rep. Salceda ang House Bill 4122 na magpapataw ng 5% Value Added Tax (VAT) sa mga rehistradong nonresident digital service providers na naghahatid ng mga serbisyo sa pamahalaan at 12% sa nalalabi. Pasado na ito sa Kamara subalit nakabinbin pa sa Senado.

Iminungkahi ni Salceda na bago magpataw ng buwis sa mga online sellers, dapat munang magkaroon ng komprehensibong talakayan kung bakit dapat magkaroon ng hiwalay na taxation scheme para sa mga online sellers kumpara sa mga may pisikal na tindahan na nagbabayad na ng buwis.

Dapat din aniyang maunawaan ng mga tao na ang mga may pisikal na tindahan ay apektado ng paglitaw ng mga produkto na binebenta sa mga digital platform at maaaring hindi patas kung ang mga may pisikal na tindahan lamang ang papatawan ng buwis.