Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Katoliko na gayahin si Hesu Kristo partikular ang paghihilom na ginawa nito sa mga taong nakasakit sa kanya.
Ginawa ni Tagle ang pahayag sa kanyang Homily sa misang idinaos sa Manila Cathedral ngayong Palm Sunday.
Dito ikinuwento ni Tagle ang pagpapatawad ni Hesus kay Judas sa kabila nang pagtataksil nito sa kanya.
“Ang tugon ni Hesus sa dadakip sa Kaniya, sa magmamaltrato sa Kaniya, ay paghihilom. Siya ay susugatan, subalit hindi Siya mangsusugat sa iba. E tayo? Sinaktan mo ako, may karapatan akong saktan ka rin; minura mo ako, may karapatan ako doblehin ang mura ko sa iyo,” ani Tagle.
Gayunman, nauunawaan daw niya kung bakit parang madaling ipagpalit ng ilan si Hesus sa ibang mga “Hari” at “Mesiah.”
Subalit umapela pa rin si Tagle sa mga Katoliko na sundin ang mga aral na tinuturo ni Hesus kahit ito man ay hindi madaling gawin.
“Mga Kapatid, simula pa lang ng Holy Week, nakikiusap po ako sa inyo, titigan si Hesus, pati yaong mga mahirap unawain at sundin sa kaniyang salita at lalo na sa kaniyang gawa; huwag pong iwasan, lalong titigan, lalong pakinggan,” dagdag pa nito.