-- Advertisements --

CAUAYAN- Ikinagulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO Isabela Branch ang biglaang pagtigil sa pagpapataya ng mga kolektor ng Small Town Lottery o STL sa maraming bayan at lungsod sa Isabela.

Una rito ay nakatanggap ng sulat ang tanggapan ng PCSO Isabela Branch na nakahimpil sa Cauayan City mula sa STL Agent ng 31 bayan at lungsod sa Isabela na Sahara Games and Amusement Philippines Corporation kaugnay sa pagtigil sa pagpapataya ng mga kolektor sa labing isang bayan at lungsod sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCSO Isabela Branch Manager Yamashita Japinan, sinabi niya na nabigla rin umano ang naturang korporasyon sa pagtigil ng pagpapataya ng kanilang mga kolektor sa maraming bayan at lungsod sa Isabela lalo na at wala naman umanong naging kautusan ang naturang korporasyon na itigil ang koleksyon sa mga nasabing lugar.

Noong unang araw ng Oktubre nang payagan ng PCSO National Office na makapagpatuloy sa operasyon ang naturang gaming corporation matapos umano itong makasunod sa mga requirements na itinakda ng PCSO.

Ayon kay Ginang Japinan, sa kabila ng pagtigil sa koleksyon ng STL sa maraming bayan at lungsod sa Isabela ay patuloy pa rin umano ang pagdraw nila ng STL sa main draw court sa lungsod ng Cauayan.

Idinagdag pa ng branch manager ng PCSO Isabela na ipapadala niya sa PCSO National Office ang natanggap niya sulat mula sa nasabing STL Agent upang ang kanilang national office na umano ang gumawa tugon kaugnay nito.

Samantala, sinikap din ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng pahayag ang nasabing STL Agent subalit wala umano ang mga tagapamahala nito.

Ayon sa ilang kawani ng nasabing games and amusement corporation, nagtungo rin sa mga nasabing bayan at lungsod ang kanilang mga tagapamahala upang alamin ang dahilan ng pagtigil sa pagpapataya ng mga collector ng STL.

Maliban sa labing isang bayan at lungsod na una na nilang ipinabatid sa PCSO Isabela na tumigil sa pagpapataya ng STL ay nadagdag pa umano ito ng anim kagabi…Kabilang umano sa mga bayan at lungsod na tumigil ang pagpapataya ng mga collectors ng STL ang Lungsod ng Cauayan at Ilagan at ang mga bayan ng Cabagan, Delfin Albano, Sto. Tomas, Tumauini, Benito Soliven, Naguilian, Luna, Alicia, Cabatuan, San Mateo, San Guillermo, Echague, Jones, Ramon, at San Isidro.