-- Advertisements --
OIL

ILOILO CITY – Suportado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Southeast Asian Fisheries Development Center (SEAFDEC) ang oposisyon ng Iloilo Fish Producers Association laban sa pagpapapatayo ng proposed oil depot ng Grayhorse Energy Incorporated sa 10 ektaryang lote sa Barangay Talusan, Dumangas, Iloilo.

Napag-alaman na ang 10,000 square meters na oil depot ang kayang mag-imbak ng 27 million liters ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Tomas Hautea, presidente ng Iloilo Fish Producers Association, sinabi nito na maging ang BFAR at SEAFDEC ang nakiisa sa kanilang panawagan na huwag ituloy ang pagpatayo sa oil depot dahil malaki ang posibilidad ng maging sanhi ito ng kontaminasyon sa tubig at pagkasira ng kalikasan na magiging dahilan upang mawalan ng kabuhayan ang mga fisherfolks.

Ayon kay Hautea, kapag nangyari ito, maaapektuhan din ang buong bayan ng Dumangas, at katabing mga bayan, maging ang isla ng Guimaras.

May isasagawa pang committee hearing kaugnay sa nasabing oil depot at umaasang maliwanagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang local government unit (LGU) kung bakit mahigpit na tinututulan ito ng karamihan.

Una nang sinabi ni BFAR Region 6 Director Remia Aparri, na tiyak na ikakasira sang marine life at ng pangkabuhayan ng mga mangingisda ang pagpapatayo ng oil depot.