-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sisimulan na sa huling bahagi ng 2023 at unang bahagi ng 2024 ang pagpapatayo sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa 5th Infantry Division, Philippine Army sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na inaasahang matatapos ang mga EDCA sites sa himpilan ng 5th ID sa taong 2028 at may mga sisimulan na sa huling bahagi ng 2023 at unang bahagi ng 2024.

Magpapatayo ng mga imprastratura tulad ng logistical warehouse, vertical landing pad, fusion center at mga training facilities.

Para aniya ito sa tuluy-tuloy na mutual defense cooperation sa Estados Unidos at nang mas mapagtibay pa ang kanilang interoperability at mapalakas ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Mas lalo rin silang magiging handa sa mga sakuna, makakatulong din ito sa humanitarian assistance at disaster relief operations lalong-lalo na sa lambak ng Cagayan at maging handa sa anumang banta sa national security.

Pinawi niya ang pangamba ng ilan na may hindi magandang dulot ang pagpapatayo ng EDCA sites sa lalawigan dahil mas palalaguin nito ang economic activity dahil kapag may seguridad sa isang lugar ay mas magtuluy-tuloy ang development.

Wala aniyang dapat ikabahala dahil lahat ng factors na kailangang ikunsidera ay pinag-uusapan kasama ang mga local government units (LGUs).