LEGAZPI CITY – Nagpatupad ng class suspension sa dalawang barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon kasunod ng abiso sa posibleng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan.
Pasok sa 5 hanggang 6-km danger zone ang mga barangay ng Puting Sapa at Añog kaya’t sinuspinde ang klase bilang bahagi ng paghahanda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Arian Aguallo, spokesperson ng MDRRMO Juban, maging ang dalawang resorts sa mga naturang barangay ay ipinatigil muna ang operasyon.
Pagbibigay-diin nito, handa na ang mga residenteng posibleng maapektuhan, sa isasagawang paglilikas.
Inabisuhan ang mga residente na magbalot na ng mga damit at iba pang pangangailangan kung sakali.
On-standby na rin ang mga sasakyang gagamitin sa Brgy. Bacolod.
Prayoridad sa paglikas ang mga vulnerable population partikular na ang mga matatanda, bata, buntis at mga maysakit.
Samantala, nagbaba ng dagdag na abiso ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (SPDRRMC) sa mga motorista na maging maingat sa pagdaan sa Juban-Irosin area.