Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng the Department of Energy (DOE) na ipagpatuloy ang “no disconnection policy” para sa electric consumers na may mababang konsumo o mga tinatawag na lifeline customers.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ginawa ni Pangulong Duterte ang desisyon kagabi sa isinagawang 51st Cabinet meeting.
Ayon kay Sec. Nograles, sumang-ayon si Pangulong Duterte na ang koryente ay basic necessity na hindi pwedeng wala sa buhay ng mga kababayan.
Inihayag umano ng DOE na bagama’t 32 percent ng customer base ang mga lifeliners, nasa tatlong porsyento lamang ang share nila sa electricity sales kaya pwedeng gawin ang nasabing patuloy munang “no disconnection policy.”
Kasabay nito, hinikayat din umano ni Pangulong Duterte ang Kongreso na palawigin ang subsidy sa mga mahihirap na consumers sa loob ng 30 taon o mula 2021 hanggang 2051.