BAGUIO CITY – Kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Atty. Martin Delgra III ang pagpapatuloy ng operasyon ng mga public utility buses (PUB) palabas at paakyat ng Baguio City na magsisimula sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Sa kanyang pagbisita dito sa summer capital ng bansa, sinabi niya na isinasaayos na nila sa LTFRB ang approval ng nasabing bagay bagaman ang operasyon ng mga pampasaherong bus ay limited basis.
Aniya, sakaling matutuloy na ang operasyon ng mga inter-regional buses ng Baguio ay ipapatupad ang one seat apart at hindi ang 50 percent operating capacity ang masusunod.
Nakasaad sa desisyon ng LTFRB na kung nalinaw na ang mga isyu ng kagawaran sa plano ng Baguio ay pwedeng madagdagan ang bilang ng mga papayagang pasahero bagaman kailangang masunod pa rin ang mga ipinapatupad na minimum health protocols laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una ng sinabi ni Land Transportation Office (LTO)-Cordillera regional director Francis Rey Almora na ang pagpapatuloy ng provincial bus operations papasok at palabas ng Cordillera ay nakadepende sa desisyon at rekomendasyon ng mga kinauukulang local government units (LGUs) at masusunod ang health protocols laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi na rin ni Mayor Magalong na pinayagan na ng city government ang operasyon ng tatlong bus companies na may ruta patungo ng National Capital Region (NCR), Region 3, Pangasinan at ilang lugar sa Region 1.
Dinagdag niya na 200 hanggang 250 na mga pasahero ang papayagang makapasok ng Baguio City at susunod ang mga ito sa mga kondisyon na itinakda ng pamahalaang lungsod.