Pinahintulutan ng Commission on Election (Comelec) ang kahilingan ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo na magpatuloy sa kanyang pandemic response ngayong panahon ng kampanya.
Kinumpirma ito ni Comelec Commissioner George Garcia at sinabing pinagbigyan ng Comelec en banc ang petisyon para sa pagbubukod sa Office of the Vice President ng ilang mga proyekto at programa sa loob ng 45-araw na panahon ng kampanya.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Guttierez na Komisyon at sinabing titiyakin nito na maraming mga Pilipino ang matutulungan at bibigyang pag-asa ng kanilang Angat Buhay project.
Una rito ay nangako si Robredo na hindi siya magpapakita sa kahit na anong operasyon ng kanyang programa sa oras na mapahintulutan itong muling maipagpatuloy.
Bukod dito ay binago rin ang disenyo ng logo ng kanyang programa upang alisin ang kahit na anong kaugnayan nito sa bise presidente.
Magugunita na noong Pebrero 4 nasuspinde ang inisyatiba ng pandemic response ng Office of the Vice President (OVP) dahil sa pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa halalan sa darating na Mayo 9.