Irerekomenda ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang muling pagpapatuloy ng pagsasanay ng apat na mga kwalipikadong national athletes sa Tokyo Olympics, maging ang ilang mga hopefuls.
Ayon kay PSC officer-in-charge Ramon Fernandez, ito raw ang mainam na gawin para hindi mawala ang momentum ng paghahanda ng mga Olympic hopefuls ng bansa.
“COVID-19 notwithstanding, we must never lose sight of our goal to give our best for our first Olympic gold,” wika ni Fernandez.
Nilinaw naman ni Fernandez na nakasalalay pa rin sa magiging pasya ng IATF ang kanilang magiging susunod na hakbang.
We can only recommend, but they have the final say,” anang opisyal.
Kaugnay nito, inihayag ng PSC board na maaaring magamit na para sa training ang anim na mga pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Manila at Philsports Complex sa Pasig City.
Sinabi naman ni Marc Velasco, national training director ng PSC, magsasagawa ang ahensya ng malakihang disinfection sa naturang mga lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga atletang magsasanay kung sakali.
Magugunitang ginagamit kasi ang naturang mga pasilidad bilang mga “We Heal As One” centers kung saan dinadala ang mga pasyenteng hinihinalang mag COVID-19.
Ani Fernandez, bukas naman daw ang ahensya sa posibilidad ng “pag-adopt” ng private sector at mga local government units na may mababa o walang kaso ng COVID-19 sa mga atletang magsasanay para sa Olimpiyada.