Nasa pagpapasya ng kompaniya ang pagpapatupad ng 4-day work-week sa gitna ng nakakapasong init ng panahon na nararanasan ngayon sa ilang parte ng bansa.
Paliwanag ni Labor USec. Benjo Benavidez, ang naturang flexible work arrangement ay prerogatiba at opsyon na ng mga employer sa pakikipagkonsulta na rin sa kanilang mga manggagawa.
Sinabi din ng DOLE official na ang pagpapatupad ng naturang polisiya sa lugar ng trabaho ay nakadepende na sa pangangailangan ng kompaniya.
Kalakip na dito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga manggagawa at mapanatili ang productivity ng kompaniya.
Lumutang ang usapin nga kaugnay sa pagpapatupad ng 4-day work-week dahil sa delikadong lebel ng heat index na naitala buong bansa na base sa pagtaya ng state weather bureau ay magtatagal pa ang nararanasang mainit na panahon hanggang sa kalagitnaan ng Mayo.