-- Advertisements --

Malamig ang Department of Education (DepEd) sa panukalang magpatupad muna ng academic freeze o suspensyon ng klase matapos ang sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo.

Ilang mga grupo kasi ang nananawagan sa DepEd na itigil muna ang mga klase lalo na sa mga lugar na sinalanta ng serye ng mga sama ng panahon, na sumabay pa sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Usec. Tonisito Umali, walang bansa sa alinmang parte ng mundo ang nagsuspinde ng muling pagbubukas ng klase kahit na may pandemya.

Sa halip, sinabi ni Umali na nagpatupad ang ahensya ng “academic ease” na naglalayaong mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante para makapagsumite ng mga requirements sa paaralan.

“Kung gagawin nating barometro ang ginagawa ng buong mundo patungkol sa edukasyon ng mga bata, wala pong nagka-academic freeze dahil palagay po namin ito ang tamang polisya, ang magpatuloy. At ang nakikita po natin with the latest issuance ay maging flexible na lang tayo,” wika ni Umali.

Samantala, umabot na sa mahigit 1,000 paaralan sa iba’t ibang mga rehiyon ang napinsala ng mga bagyo.

Paglalahad ni Umali, mahigit 448 paaralan sa Bicol ang nasira kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Rolly, na sinundan ng 412 sa Central Luzon, 121 sa Calabarzon, 91 sa Cagayan Valley, 53 sa Ilocos Region, 41 sa Cordillera, 15 sa Mimaropa, at siyam sa Metro Manila.

Nasa 430 paaralan din ang ginagamit sa ngayon bilang mga evacuation centers.