Pinaiimbestigahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pagpapatupad ng agrarian reform laws kasunod nang marahas na pagpapaalis sa mga may hawak ng Certificate of Land Ownership (CLOA) sa Sitio Balubad, Barangay Anunas, Angeles City.
Dahil dito, naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 979 para siyasatin ng angkop na komite ng Senado, bilang tulong sa batas, ang pagpapatupad ng agrarian reform laws sa gitna ng marahas na insidente na ito.
Noong Marso 12, 2024, puwersahang pinaalis ng Clarkhills Properties Corporation ang 2,000 residente mula sa pinag-aagawang lupa sa Sitio Balubad.
Umabot ito sa isang marahas na komprontasyon, na ikinasugat ng walong tao, kabilang ang isang matandang babae.
Iniulat ng mga saksi na pinaputukan ng mga security guard ang mga residente at gayundin ang mga mamamahayag na nagko-cover sa insidente. Nagkaroon ng nakaraang pagtatangka ng pagpapaalis noong Pebrero, na nauwi rin sa karahasan.
Ang mga residente, bilang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), ay nakakuha ngCLOA mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Gayunpaman, ang mga CLOA na ito ay kinansela ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB) dahil ang lupa ay itinuring na residential, hindi agrikultura.
Dahil dito, hinimok ni Hontiveros ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bigyan ng agarang tulong ang mga apektadong residente, lalo na ang mga senior citizen at mga bata.
Umaasa ang mambabatas na diringgin ng kaukulang komite ang naturang resolusyon sa pagbabalik ng sesyon.