Iginiit ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na dapat ayusin ang pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act, batas na naggagarantiya ng libreng tuition sa kolehiyo para matanggal ang mayayamang estudyante at tanging ang deserving at mahihirap na estudyante ang mabigyan ng subsidiya.
Ani Sec. Angara, mahalaga ang pagsasaayos sa pagpapatupad ng batas dahil ang resources para sa sektor ng basic education ay naging manipis matapos na palawigin pa ang subsidiya sa college.
Inihalimbawa ng kalihim na maging ang mga estudyante sa University of the Philippines ay ‘tuition free’ subalit kung titignan aniya, marami sa mga estudyante sa unibersidad ay nagmula sa mayayamang pamilya.
Ipinunto pa ni Angara, na isa ding UP alumnus, na dapat hindi i-subsidize ng pamahalaan ang mga mayayamang estudyante, bagay aniya na ginagawa sa kasalukuyang implementasyon ng batas.
Kugnay nito, iginiit ng DepEd chief na dapat magpokus ang pamahalaan sa pagbibigay ng libreng college education para sa mga deserving na estudyante at pigilang makakuha ng subsidiya ang mga hindi nangangailangan nito sa gitna ng pagdami pa ng bilang ng underprivileged students sa kolehiyo na nagdrop-out kada taon dahil walang pantustos sa kanilang matrikula.
Sa datos ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2023, mahigit 2 milyong state universities and colleges (SUC) students ang nakakatanggap ng libreng tertiary education sa 200 institusyon sa buong bansa.