Nagpahayag ng suporta si Senador Bong Go, sa panukalang pagpapatupad ng one-strike policy para sa mga pulis na nabigong pigilan ang mga ilegal na aktibidad sa loob ng kanilang nasasakupan.
Ito ay matapos ang sunud-sunod na pag-atake sa mga public officials, kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, na kumitil sa buhay ng walo pang indibidwal at ikinasugat ng labing pitong iba pa.
Aniya, dapat ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng gobernador ng Negros Oriental, hindi lang ng gobernador kung ‘di mga sibilyan na mga inosente.
Giit pa nito, paano na lang daw aniya ang maliliit na tao na walang kakayahan na proteksyunan ang kanilang sarili.
Importante din aniya na bigyan sila ng proteksyon ng gobyerno.
Pinunto ni Go na kaya may pulis para mamuno ng may kapayaan at kaayusan at kaya rin aniya na may militar upang protektahan ang bansa.
Naniniwala si Go na ang pagpapatupad ng one-strike policy ay magtitiyak na seryosohin ng lahat ng pulis ang kanilang trabaho at mananagot sa anumang ilegal na aktibidad na nangyayari sa loob ng kanilang area of responsibility.
Binigyang-diin ni Go na hindi lamang dapat ilapat ang patakaran sa mga kaso ng pagpatay kundi sa iba pang ilegal na aktibidad.
Binanggit niya ang isang hypothetical na halimbawa kung saan kung ang hepe ng pulisya o ang alkalde ay hindi pabor sa mga ilegal na aktibidad tulad ng pagsusugal, hindi ito uunlad sa lugar.
Itinuturing ni Go ang one-strike policy bilang babala sa mga pulis na maging mapagmatyag at responsable sa kanilang mga tungkulin.
Kasunod ng pagpaslang kay Degamo, mariing kinondena ni Go ang serye ng mga pagpatay at pag-atake sa mga opisyal ng gobyerno.
Aniya, ang mga local officials ay nagta-trabaho, nagseserbisyo sa mga Pilipino at sila ang naging biktima ng karumal-dumal na patayan.
Giit pa nito, na kapag walang mananagot patuloy ang masasamang elemento at mamamayagpag ito kaya naman nararapat lamang aniya na may managot.
Kasunod ng masusing imbestigasyon, apat na suspek ang naaresto kaugnay ng pagpatay sa gobernador.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa maraming kaso, kabilang ang multiple murder, frustrated multiple murder, at illegal possession of firearms and explosives.