Nasa pagpapasya ng mga awtoridad sa Pilipinas, judiciary at law enforcement kung ipapatupad sa bansa ang red notice sakaling ipadala ito ng International Criminal Police Organization (Interpol) laban sa mga indibidwal na sangkot sa war on drugs ng Duterte administration.
Ito ang magiging posisyon ng Pilipinas ayon kay Justice Undersecretay Raul Vasquez sakaling magkaroon ng kasunduan ang Interpol sa International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga sa drug war killings sa Pilipinas at sakaling mag-isyu ito ng warrant of arrest laban sa mga personalidad na idinadawit sa drug war.
Muling iginiit ng DOJ official ang nauna ng pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na bagamat kumalas na ang Pilipinas mula sa ICC, nananatili pa ring miyembro ng Interpol ang ating bansa.
Paliwanag pa ng opisyal na ang lahat ng red notices ay maari o hindi maaaring payagan depende sa determination ng local authorities.
Samantala, sakali mang mag-isyu ng red notice ang Interpol, ito ay iko-coordinate sa pamamagitan ng Philippine National Police na itinalaga bilang Interpol National Central Bureau ng ating bansa.
Ang red notice ayon sa Interpol ay isang request sa law enforcement sa mga bansang kasapi nito para matunton at maaresto ang isang indibidwal na may nakabinbing extradition at iba pang kaparehong legal action.
Subalit hindi ito isang international arrest warrant dahil ang member countries pa rin ang magpapasya kung aarestuhin ang isang indibidwal base sa sarili nilang batas.