Naniniwala si Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na kailangan lamang ng tamang pagpapatupad ng batas upang maresolba ang isyu sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ang reaksiyon ni Salceda kaugnay sa panukalang tuluyan ng i-ban ang POGO sa bansa.
Binigyang-diin ng ekonomistang mambabatas na may sapat na safeguards ang batas para parusahan ang mga krimen na may kaugnayan sa POGO.
Dagdag pa ni Salceda mayruon din itong sapat na mekanismo para ipasara ang mga mapagsamantalang kumpanya.
Ipinunto ni Salceda na ang pag ban sa buong negosyo batay lamang sa mga isyu na ipinupukol dito ay parang sinusunog nito ang buong bahay upang patayin ang mga daga.
Binanggit din ng mambabatas na sa ibang bansa gaya ng Gibraltar at Cyrus na hindi dominated ng mga Chinese na may nag-ooperate ng POGO ay isang nangungunang employer at pinagmumulan ng maraming trabaho.
Ayon kay Salceda sa mga panahong tulad ngayon kung saan ang paghahanap ng mga mapagkukunan ng paglago ay isang hamon, dapat maging mas mapanlikha ang bansa para lumago ang ekonomiya ng bansa.