LAOAG CITY – Kinumpirma ni Dr. Loida Valenzuela, Provincial Veterinarian ng Ilocos Norte na pinag-aaralan nila ng regulatory action para sa rekomendasyon kay Gov. Matthew Marcos Manotoc tungkol sa bird flu sa Bulacan at Pampanga.
Ayon kay Valenzuela, kabilang sa mga pag-aaralan ng kanyang opisina ay ang magiging epekto ng posibleng pagpapatupad ng total ban sa pagpasok ng manok na mula sa mga nasabing lugar.
Aniya kasama sa mapag-aaaralan kung maaring ang mga lugar lamang na nagpositibo sa bird flu sa probinsya ng Pampanga at Bulacan ang hindi papayagan na magpasok ng manok sa Ilocos Norte.
Sinabi nito na sa ngayon ay naghahanap ang kanyang opisina ng kumpletong detalye kung saan maisasagawa ang test ng mga sample mula Nueva Ecija.
Giit ni Valenzuela na kung maipapatupad ang total ban tsa mga nasabing probinsya ay malaking epekto ito sa mga fast food chains dito sa probinsya dahil karamihan sa mga storages ng manok ay nagmumula sa mga nasabing lugar.
Kaugnay nito, ipinaalam niya na mahigpit ang monitoring sa mga ipinapasok na manok lalo na sa mga online seller na kailangang sumunod sa patakaran.