-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang isang mambabatas na bagama’t huli na ang pagdedeklara ng travel ban sa China, Hong Kong at Macau dahil mayroon nang naitalang kaso ng 2019 novel coronavirus –acute respiratory disease sa bansa, isa pa rin ito sa mga nakikita nilang pinaka-epektibong paraan laban sa nasabing sakit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, sinabi nito na sa pamamagitan ng nasabing hakbang, maiiwasang dumami pa ang kaso ng 2019-nCoV sa bansa.

Kaugnay nito, hinimok ni Defensor ang publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga Chinese nationals dahil sa nasabing sakit lalo pa’t marami umanong mga Pilipino na nagtatrabaho sa China, Hong Kong at Macau.

Maliban pa rito, pinayuhan din ng mambabatas ang mga taong nagpapakalat ng fake news hinggil sa nasabing sakit dahil nakakapagdulot ang mga ito ng takot at panic sa ibang tao lalo pa’t hindi simpleng isyu ang 2019-nCoV.