-- Advertisements --
boracay 12
Boracay island (photo courtesy from Bombo Ness Cayabyab-Mercado)

KALIBO, Aklan – Maituturing na “disaster” ang mangyayari sa lalawigan ng Aklan lalo na sa isla ng Boracay sakaling ipatupad ng pamahalaan ang travel ban sa bansang South Korea dahil sa nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Malay, Aklan Sangguniang Bayan member Nenette Aguirre-Graf, “bread and butter” ng lalawigan ang turismo sa isla kaya dobleng kalugian sa ekonomiya sakaling pati ang Korean tourist ay pansamantalang mawala.

Pero kung ito ang makakabuti para sa lahat ay kailangang sumugal ang gobyerno dahil kapag kumalat sa bansa ang naturang sakit ay maraming buhay ang maapektuhan.

Sa kasalukuyan ay nangingibaw pa rin ang bilang ng mga dayuhang turista na bumibisita sa Boracay.

Aniya sa katunayan ay tumaas ang arrival ng European tourist kasunod ng mga Koreans.

Sa kabuuan, nasa 40 porsyento ang nabawas sa tourist arrival kasunod ng pagkawala ng mga Chinese dahil sa nagpapatuloy na travel restriction sa mainland China at sa administrative regions nito na Hong Kong at Macau.

Una na ring lumutang sa pagdinig ng House Committees on Tourism at Economic Affairs nang iulat ni Tourism Congress President Jose Clemente III na marami na ang nagkansela ng kanilang hotel bookings sa iba’t ibang tourism destination sa Pilipinas.

Pinakamatinding apektado aniya rito ang isla ng Boracay dahil aabot ng hanggang 60 percent sa mga hotel bookings ang kinansela na ng mga turista.