-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Linggo na target ng ahensya na ipatupad sa katapusan ng taon ang unified ID system o pinag-isang Identifiation card ng Persons with Disability (PWD).

Ang hakbang na ito ng DSWD ay layuning labanan ang patuloy na isyu ng pekeng PWD IDs na ginagamit upang makakuha ng hindi awtorisadong diskwento sa mga restaurant at iba pang negosyo.

Kamakailang lang binatikos ng Restaurant Owners of the Philippines ang ”malawakang pang-aabuso” sa pekeng PWD IDs, na nagdudulot ng matinding pressure sa mga establisyimento.

Kamakailan lang din nang isinagawa ng ang mga awtoridad ang isang raid sa isang maliit na operasyon sa Maynila kung saan umano ay ipinapagawa ang mga pekeng PWD IDs, na ipinagkakaloob ng mga lokal na pamahalaan mula sa Quezon City, Maynila, Pasig, Muntinlupa, at Angat sa Bulacan.

Maaalalang noong Disyembre ng 2024, nagbigay ng babala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa pagbebenta at paggamit ng mga pekeng PWD IDs, at ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, umabot sa P88.2 billion ang nawawalang buwis ng gobyerno noong 2023 dahil sa pamemeke nga umano ng PWD IDs.

Sa kasalukuyan, magkakaiba ang itsura ng PWD IDs depende sa pag-issue ng mga local government unit.

Sa ilalim kasi ng bagong sistema, magkakaroon ito ng isang standard na disenyo upang maiwasan ang pandaraya.

Ibinahagi ni DSWD, Assistant Secretary Irene Dumlao na ang unified PWD ID system ay sasailalim sa pilot implementation stage na nagsimula noong Enero hanggang Hunyo ng taong 2025, at ang DSWD ay kasalukuyang nagfa-finalize ng mga terms of reference ng naturang unified system.

Upang matiyak ang seguridad ng mga datos ng PWDs, nakikipagtulungan ang DSWD sa National Privacy Commission. Ang ahensya ay nakikipag-ugnayan din sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Statistics Authority (PSA) upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng bagong sistema.

Ang bagong PWD IDs ay magkakaroon ng mga security features, tulad ng Radio Frequency Identification (RFID) technology. Bukod pa rito, magkakaroon ng web portal na magpapahintulot sa mga establisyimento na i-verify ang pagiging lehitimo ng PWD ID ng isang tao.

Sa ilalim ng Republic Act 10754, ang mga PWDs ay may karapatang makapag avail ng 20% diskwento at VAT exemption sa mga partikular na produkto at serbisyo.