Binigyang-diin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na iligal ang pagtuturok ng mga hindi otorisadong bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ni Drilon kasunod ng lumabas na ulat na ilang mga miyembro ng Gabinete at mga kasapi ng Presidential Security Group ang naturukan na ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Drilon, isa itong maling halimbawa at tila binalewala nito ang rason sa pagtatatag ng Food and Drug Administration (FDA).
Giit ng senador, paulit-ulit nang sinabi ng FDA na ipinagbabawal ang pag-import, pamamahagi, at paggamit ng hindi rehistradong gamot.
“What was done completely dismissed the well-entrenched public safety and health protocols. It further undermined the regulatory authority of the FDA with regard to the inspection, licensing and monitoring of establishments, and the registration and monitoring of health products,” wika ni Drilon.
“As government officials, our priority is the safety of our people. That is the very purpose of FDA authorization- to make sure that the vaccines that we administer to our people are safe, effective and of certain quality,” dagdag nito.
Ang pagpapabakuna rin aniya ng ilang Cabinet members at ng militar ay malinaw umanong paglabag sa panuntunan kaugnay sa pag-iisyu ng Emergency Use Authorization para sa mga gamot laban sa deadly virus.