Wala umanong nakikitang problema si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pagpapaturok ng ilang tauhan ng Presidential Security Group (PSG) kahit na wala pang inaprubahang COVID-19 vaccine ang Food and Drug Administration.
Ayon kay Lorenzana, mahigit isang buwan na raw matapos mabakunahan ang mga tauhan ng PSG ngunit hindi naman nagpamalas ang mga ito ng negatibong epekto.
Hindi naman daw alam ni Lorenzana kung saang bansa nanggaling ang bakuna.
Una rito, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na posibleng donated ang mga bakunang itinurok sa mga miyembro ng presidential security.
Samantala, inihayag ni Lorenzana na hindi niya batid kung sino sa kanyang mga kasamahan sa gabinete ang nabakunahan.
Ibinulgar ni Año na may isa na raw Cabinet member ang nabakunahan ngunit hindi na niya ito inilahad.