-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagbigay na ng kanilang pahintulot ang 59 na Indigenous Peoples Structure Leaders mula sa Brgy. Bentangan, Carmen; Kiaring, Banisilan; at Palacat, Aleosan Cotabato sa pagpasok ng investor sa kanilang ancestral domains.

Ang mamamumuhunan ay ang Kilambay Plantation Corporation in partnership with Rizome Philippines at Climate Change partners kung saan pangunahing produktong itatanim nito sa napiling areas ay ang giant bamboos.

Ayon kay IP Affairs Focal Person Lito Palma, bago pa man ipatupad ang nasabing proyekto inatasan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” TaliƱo Mendoza ang kanyang tanggapan katuwang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pangunahan ang serye ng konsultasyon at validation sa mga IP structure leaders at communities upang matiyak na mapapangalagaan ang karapatan ng mga katutubong magiging benepisyaryo ng proyekto.

Dagdag pa niya, na ang pagbibigay ng pahintulot ng IP communities sa plantasyon ng kawayan na mamuhunan sa kanilang lupain ay magbibigay sa mga ito hindi lamang ng oportunidad sa trabaho, makakatulong din ito upang malabanan ang masamang epekto ng climate change.

Pilot area ng nasabing proyekto ang Sitio Kiliyay, Bentagan, Carmen Cotabato kung saan target ng korporasyon na makapagtanim ng 100,000 seedlings ng kawayan. Sa kabuoan target ng kompanyang mataniman ng kawayan ang abot sa 2,000 ektaryang lupa na pag-aari ng katutubo.