LEGAZPI CITY – (Update) Inaaksyunan na umano ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang paghingi ng tulong ng isang residente ng Brgy. Binanuahan sa Legazpi para sa anak na nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Una rito, lumapit sa tanggapan ang nasabing OFW matapos na magtamo ng maltreatment mula sa amo.
Sinabi ni OWWA Bicol communications officer Rowena Alzaga sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakikipagdayalogo na ang tanggapan sa counterpart sa Riyadh para sa magiging proseso ng pagterminate sa dalawang taon na kontrata nito.
Batay sa paunang pag-uusap, ayaw nang magpalipat pa ng employer ng OFW at nais na lang na umuwi sa Pilipinas dahil hindi ito ang unang beses na magpapalit sana ng amo.
Nakiusap naman angn OWWA para sa kaunti pang panahon na paghihintay ng pamilya lalo na’t hindi madali ang repatriation.
Kabilang sa mga sumbong ng OFW ang hirap ng trabaho lalo na’t first time nitong mag-abroad bilang domestic worker.