-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ng ilang mga koalisyon, progresibong grupo at mga indibidwal ang pagkakaroon ng batas na layuning wakasan ang political dynasties sa bansa.

Sa isinumiteng petisyon nina former Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ng 1Sambayan Coalition, grupo ng Advocates for National Interest, former Ombudsman Conchita Carpio Morales, Professor Maria Cielo Magno, Bishop Broderick S. Pabillo at ilan pa, hangad nilang Korte Suprema na ang gumawa ng hakbang hinggil rito.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Professor Maria Cielo Magno, isa sa mga petitioner, ipinaliwanag niya na ang Petition for Certiorari at Mandamus na kanilang inihain ay upang hilingin sa pinakamataas na hukom na obligahin ang mga mambabatas sa kongreso na magpasa ng kaukulang batas na Anti-Political Dynasty law.

Aniya, ilang dekada na ang nakalilipas at hindi pa rin nareresolba ang naturang problemang pampulitikal dahil sa kawalan ng pagkilos mula sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.

‘Ito po ay petisyon sa supreme court para bigyan ng instruction ang ating kongreso na magpasa ng batas tungkol sa anti-dynasty. Kasi malinaw po sa constitution natin na may nakasaad po dito na kailangan gumawa tayo ng batas prohibiting political dynasty,’ ani Professor Maria Cielo Magno, isa sa mga petitioner.

Dahil dito mariin pa niyang inihayag na ang hindi pagkilos ng mga mambabatas ay labag umano sa mandato ng kontisyon ng bansa.

Nakasaad raw kasi sa Article II Section 26 ng 1987 Constitution na bagama’t binibigyang pagkakataon ang lahat sa pampublikong pagseserbisyo , nakapaloob rin dito ang prohibition sa political dynasties ng mga mamumuno.

Ngunit ayon kay Professor Cielo Magno, hindi ito sapat at kinakailangan pa ng kaukulang batas kaya’t sila’y dumulog na sa Korte Suprema.