-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Itinuturing ni South Cotabato 2nd District representative at Deputy Speaker for Mindanao Ferdinand Hernandez na desperadong solusyon para sa desperadong sitwasyon ang inaprubahang House Bill 6616 upang masugpo ang banta ng coronavirus disease sa Pilipinas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Cong. Hernandez, ito raw ang nakikita nilang solusyon sa krisis ng bansa mula sa nasabing epidemiya.

Dagdag pa ng kongresista, dapat na lamang magkaisa ang lahat lalo na’t iisa lamang ang kalaban natin at hindi natin ito nakikita.

Liban dito kailangan ding manalangin na sana’y matapos na ang krisis na ito.

Nabatid na sa botong 284 na “YES,” 9 na “No,” at 0 ang nag-abstain, inaprubahan ng Kamara ang Bayanihan to Heal As One Act na nagtatakda ng deklarasyon ng national emergency sa buong bansa.

Nakasaad sa panukala na alinsunod sa Article VI, Section 23 (2) ng Saligang Batas, sa pamamagitan nang basbas ng Kongreso, pinapahintulutan ang Pangulo na gamitin ang emergency power tuwing may national emergency.