-- Advertisements --
solo parent

Isinusulong ngayon sa Kamara ang pagpasa ng panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga solo parent at kanilang mga anak at isa pang panukalang nagpapanagot sa mga “deadbeat” na mga magulang sa hindi pagsuporta sa kanilang mga anak.

Ito ang House Bill (HB) No. 44, na kilala rin bilang “Child Support Bill” at House Bill (HB) 8987 o “An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support.”

Ang mga panukalang batas ay naglalayong obligahin ang mga ama at ina na magbigay ng sapat na suporta para sa kanilang mga anak, maging sila ay lehitimo o hindi lehitimong anak.

Sa ilalim ng HB 44, ang mga magulang ay makakatanggap ng tulong sa paghahanap ng trabaho upang sila ay makapagbigay ng pinansyal na suporta sa kanilang mga anak.

Kung maisasabatas, ang HB 44 ay magpapatupad ng buwanang suporta na P6,000 mula sa mga magulang na hindi nagpapalaki sa kanilang mga anak. Ito rin ay lilikha ng National Child Support Program.

Sa kabilang banda, ang HB No. 8987 naman ay nagtatakda ng suportang pinansyal sa 10% ng kita ng isang indibidwal, ngunit hindi bababa sa P6,000.

Maaaring makulong ng hanggang 12 taon at multa mula P100,000 hanggang P300,000 ang magulang na hindi makapagbigay ng sustento.

Top