GENERAL SANTOS CITY – Usap-usapan ngayon ang ginanap na Via Crusis o Stations of the Cross ng pamunuan ng Police Regional Office Region 12 (PRO-12) nitong umaga ng Biyernes Santo.
Tampok dito ang pagpasan ng daan-daang mga police personnel ng PRO-12 ng krus sa prusisyon mula sa General Santos Airport papuntang PNP 12 Headquarters sa pangunguna ng regional director na si Police Brigadier General Eliseo Tam Rasco na siyang pumasan ng pinakamalaking krus.
Kasama rin ng mga pulis sa prusisyon ang kani-kanilang mga pamilya.
Nabatid na taon-taon nang ginagawa ng PRO-12 ang nasabing Via Crusis at ang pagpasan ng regional director ng pinakamalaking krus, subalit sinasabing mas makahulugan ngayong taon.
Ito’y matapos masangkot sa kontrobersyal na P2 bilyon Police Paluwagan Movement (PPM) scam ang marami sa mga pulis sa Region 12, pati na ang ilang opisyal.
Sa katunayan, kasalukuyang nasa Police Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame ang ilang mga sinibak na opisyal kasama ang dating city PNP director ng GenSan na si Police Col. Raul Supiter matapos masangkot sa PPM.
Kaya naman desidido ang pamunuan ng PRO-12 na maibalik ang high morale ng mga pulis upang maayos na magampanan ang kanilang tungkulin.