Mariing kinondena ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, (KBP) ang desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na biglaang pagpapasara nang walang abiso sa ABS-CBN.
Una nang iginiit ng NTC na nagpaso na ang prangkisa ng TV network nitong nakalipas na Abril 4.
Kasabay, nito nanawagan naman ang KBP sa Kongreso na asikasuhin na ang pagtalakay sa matagal nang nakabinbin na franchise application.
Kagabi ay nag-shutdown ang operasyon nang network na may 15 TV stations kasama sa mga probinsiya, apat na AM radio stations at 20 mga FM stations.
Tinukoy pa ng KBP ang pagiging “unfair” daw ng NTC lalo na at maraming nakadepende na trabaho rito, ang pagtulong ng himpilan sa publiko sa mga programa nito at ang pagsisilbi sa pamamagitan ng mahahalagang balita at impormasyon lalo na sa panahon ngayon ng coronavirus pandemic.
Ipinaalala pa ng KBP sa NTC ang mga naging pangako nito sa harap ng mga pagdinig sa Kamara at Senado na “legal remedy that would allow ABS-CBN to continue operating while the process of evaluating ABS-CBN’s application for the renewal of its franchise is still pending.”
“The Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, (KBP), the national association of broadcasters of the Philippines, strongly condemns the decision of the National Telecommunications Commission (NTC) to order ABS-CBN to cease and desist from operating its broadcasting stations,” bahagi pa ng statement ng KBP. “We urge the government to adopt the equitable remedy, consistent with precedence practiced by NTC with the broadcast industry and adopted by both houses of Congress, of considering the permits and authorizations granted to ABS-CBN extended while evaluation of the application for extension of ABS-CBN’s franchise is pending.”
Samantala, pagpapaliwanagin naman ng Kamara ang mga opisyal ng NTC.
Ayon kay House Committee on Legislative Franchises chairman Rep. Franz Alvarez, padadalhan nila ng show cause order ang mga opisyal ng NTC para pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit hindi sila dapat ma-contempt.
Binalewala raw kasi ng NTC ang commitment nito sa Kamara na bibigyan ng provisional authority to operate ang ABS-CBN habang pending pa sa Kongreso ang franchise renewal application nito.
Malinaw din aniyang panghihimasok sa kapangyarihan ng Kongreso ang ginawa ng NTC.
Sinabi naman ng ilang senador, hindi makatwiran ang naging desisyon ng NTC para sa pagpapatigil ng operasyon ng ABS-CBN television at radio broadcast stations nito lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Inihayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, may grave abuse of discretion ang hakbang ng NTC na dapat noon pa ay naglabas na ng provisional authority para sa pagpapatuloy ng operasyon ng kompaniya.
Hindi naman makatuwiran para kina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sen. Sonny Angara at Sen. Grace Poe na ipatigil ang operasyon ng network lalo na ngayong marami ang walang trabaho dahil sa lockdown at maraming kumakalat na fake news.
Hinimok din ni Sen. Bong Go ang Kamara na aksyunan na ang prangkisa ng ABS-CBN, ngayong balik na sa sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kinuwestyon din ni Vice Pres. Leni Robredo ang pagpapatigil operasyon ng NTC sa media giant.
Para kay Robredo, kataka-taka na sa gitna nang hinaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease ay nagawa pa ng gobyerno na magpasara ng kompaniya.
“Wala dapat puwang sa panggigipit at pansariling interes sa mga panahon kung kailan dapat nagtutulungan tayo. All hands on deck dapat,” ani Robredo sa statement. “All social institutions— including media— should be united under a single purpose: ang pagsiguro sa kaligtasan ng buhay ng bawat Pilipino.”
Ikinabahala pa ng bise presidente ang shutdown ng broadcast company sa gitna ng desisyon ng pamahalaan na muling buksan ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Hindi mahirap matukoy kung alin sa dalawang ito ang mas nakatutulong sa pagtugon sa krisis na kinakaharap natin ngayon.”
Para naman sa ABS-CBN, umaasa pa rin sila na babaligtarin ang desisyon alang-alang sa “best interest.”
“Despite Senate Resolution No. 40, the House of Representatives’ committee on legislative franchises’ letter, the guidance of the Department of Justice, and the sworn statement of NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, the NTC did not grant ABS-CBN a provisional authority to operate while its franchise renewal remains pending in Congress,” pahayag pa ng TV network sa isang statement. “We trust that the government will decide on our franchise with the best interest of the Filipino people in mind, recognizing ABS-CBN’s role and efforts in providing the latest news and information during these challenging times.”