-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinaninindigan ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na may basehan kung bakit kailangan ipatupad ang suspensiyon ng mga paaralan ng mga lumad sa Davao region na Salugpungan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Centers.

Una nang nagbigay ng pahayag ang alkalde laban sa isang konsehal sa lungsod na nananawagan na kailangan na umanong tapusin ang suspensiyon ng mga lumad schools.

Pinayuhan ng alkalde ang hindi pinangalanan nitong konsehal na dapat hindi umano magbase sa isang kahilingan na walang sapat na basehan at disinformation na ibinibigay sa grupong Makabayan bloc at CPP-NPA-NDFP.

Nabatid na sa nakaraang linggo, una nang sinabi ni Konsehal Pamela Librado-Morato sa city council na dahil umano sa suspension order sa Salugpungan schools, maraming mga estudyante sa Talaingod at Kapalong sa Davao del Norte ang napilitang pumunta sa Davao at sinisi ng konsehal ang problema umano sa militarisasyon.

Pinayuhan na lamang ni Mayor Sara ang publiko laban sa panloloko na gagawin ng ilang mga grupo gaya na lamang ng SOS Network.

Samantalang sinabi naman ni Deparment of Education-11 spokesperson Jenielito Atillo na ang desisyon umano na ipasara ang mga paaralan ng Salugpongan ay nakadepende rin sa resulta sa imbestigasyon ng fact-finding team.