CENTRAL MINDANAO – Tukoy na umano ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na bumaril patay kay Eduardo “Ed”Dizon sa lungsod ng Kidapawan.
Ayon sa Special Investigation Task Group Dizon, kilala na nila ang dalawang suspek na may direktang ugnayan umano sa pamamaril-patay kay Ed Dizon, news anchor ng Brigada News FM Kidapawan City.
Naisampa na rin sa piskalya ang reklamo laban sa mga suspek at mga kasabwat ng mga ito sa paspaslang kay Dizon.
Sinasabing personal umanong galit ang nagtulak sa mga suspek para patayin si Dizon.
Tinuturing na “case cleared” na ng mga otoridad ang pamamaril patay sa mamamahayag.
Ang mga suspek ay may pagkakataon pa para ihayag ang kanilang counter-affidavit.
Pinabulaanan naman ng isa sa mga idinawit sa pamamaril sa brodkaster dahil bumili lamang daw ito ng gamot sa botika at nakunan ng CCTV footage.
Tumanggi naman ang Special Investigation Task Group Dizon na pangalanan ang mga suspek dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.