BUTUAN CITY – Kinukwestyon ng mga supporters ni dating United States President Donald Trump kung bakit nakapasok sa vicinity ng kanyang rally sa Butler, Pennsylvania ang 20-anyos na si Thomas Matthew Crooks, ang napatay nga gunman na nagtangka sa buhay ng dating presidente.
Napag-alamang mula si Crooks sa Bethel Park na 70-kilometros ang layo mula sa Butler kungsaan naganap ang attempted assassination.
Ayon kay Bombo international correspondent Rufino ‘Pinoy’ Gonzales, ang Pennsylvania na syang balwarte ng Democrats, dapat mahigpit ang siguridad lalo na’t Republican si Trump.
Kahit nagalit umano ang mga supporters ni Trump hindi lang sa Amerika kundi pati na sa ibang mga bansa, masaya pa rin sila na buhay pa rin ito.
Hindi umano ‘shoot me’ o drama lang ang nangyari dahil sa mga taong nadamay lalo na’t may isang rally attendee ang namatay habang dalawang iba pa ang nasa delikadong kalagayan sa ngayon.
Sa kabila umano ng kanyang naranasan ay pursigido pa rin si Trump na ipagpatuloy ang kanyang pagtakbo upang makakabalik sa White House.