Nilinaw ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Usec. Eliseo Rio na walang nalalabag na batas ang pagpasok ng iba’t-ibang operating telecommunications firm sa third telco ng Pilipinas na Dito Telecommunity na dating Mislatel.
Ayon kay Rio, walang problema ang pakikipag-alyansa ng mga kompaniya sa nasabing telecommunity, kung ito ay makakatulong sa pagpapalakas ng kanilang operasyon.
Ang dating Mislatel kasi ay consortium ng Udenna Corporation, Chelsea Logistics at China Telecom.
Iginiit din ng DICT official na hindi maaaring sumablay sa kanilang pangako ang third telco dahil mapo-forfeit ang performance bond nito na nagkakahalagang P25.7 billion.
Inaasahan naman ang pagsisimula ng operasyon ng Dito bago matapos ang 2019 para sa piling mga lugar sa bansa.