DAGUPAN CITY – Hintayin na lamang umano na matapos ang kaniya-kaniyang imbestigasyon ng Pilipinas at China sa nangyaring insidente sa Recto Bank sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ang binigyang diin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kasunod nang pagkumpirma nito na nagsimula na ang sarilng imbestigasyon ng bansa hinggil sa insidente.
Reaksyon ito ng opisyal makaraang tutulan ng marami ang alok na joint investigation ng China.
Si Esperon din ang tumatayong chairman ng Task Force West Philippine Sea.
Paliwanag ni Esperon, mayroon kasing “advantage at disadvantage” ang pagpasok sa isang joint investigation lalo at ang nais lamang aniya ng China na maging bilateral ang lahat sa pagitan ng ating mga bansa.
Pakiusap pa ni Esperon, na dati ring AFP chief of staff, hintayin na lamang na lumabas muna ang resulta ng hiwalay na imbestigasyon bago isipin ang pagpasok din ng independent party hinggil sa isyu.
Samantala, iginiit naman ni Esperon na hindi naman itinanggi ng may-ari ng barko na isang Chinese fishing vessel ang sinasabing nakabanga at nagpalubog sa mga bangkang pangisda ng mga Pinoy na namamalakaya sa bahagi ng Recto Bank, kaya’t ang dapat lamang aniyang malaman kung intensyunal ba o aksidente talaga ang nangyari.
Bagamat makikita naman aniya na ang kailangan talagang managot sa insidente ay ang may-ari ng fishing vessel subalit hindi ang mismong pamahalaan ng China.