-- Advertisements --

Welcome para sa Department of Energy ang pagpasok ng Maharlika Investment Corporation (MIC) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Maalalang kinumpirma ng Malacañang na tinanggap na ng Synergy Grid and Development Philippines Inc. (SGP) ang alok ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na kunin ang 20% share sa pamamagitan ng MIC para matiyak na may hawak ang pamahalaan ng Pilipinas sa national grid.

Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ang pagpasok ng pamahalaan sa NGCP ay magtitiyak na maprotektahan ang supply, reliability, at affordability ng power service sa bansa.

Tiyak din aniyang maghahatid ito ng mas abot-kayang power service dahil sa maghahatid ito ng mas malawak na kumpitisyon sa power sector.

Binigyan ang MIC ng dalawang board seat sa NGCP at SGP na ayon sa DOE ay tiyak na magpapalakas sa koordinasyon sa pagitan ng DOE at NGCP.

Ito ay inaasahang makakatulong para mapalawak pa ang transmission connection at mapapabulis ang interconnection ng mga power grid sa iba’t-ibang isla ng bansa.

Inaasahan din ng DOE na matututukan ang mga proyekto ng NGCP sa pagpasok ng MIC na kumakatawan sa pamahalaan, at maiiwasan ang delay sa mga proytekto nito.

Tinukoy ng DOE ang maraming proyekto ng NGCP na na-delay kung saan 98% ng mga nakumpletong proyekto mula 2016 hanggang 2024 ay pawang delayed kumpara sa nakalaan sa timeline kung saan ilan dito ay inabot pa ng mahigit siyam na taon.

Kampante ang DOE na makakatulong ang MIC para mapigilan ang mga naturang problema.