-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Mahigpit ng ipinagbabawal ang pagpapapasok ng mga buhay na baboy at karne pati na produkto nito sa lungsod ng Kidapawan bilang pamamamaraan para maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever.

Sa bisa ng Executive Order number 057 na nilagdaan ni City Mayor Joseph Evangelista, bawal na ipasok sa Kidapawan City ang mga nabanggit mula sa mga lugar na may kumpirmadong ASF outbreak o di kaya ay walang kaukulang dokumento tulad ng mga sumusunod: Certificate of Meat Inspection o COMI na magmumula sa National Meat Inspection Services(NMIS), Veterinary Health Certificate na mula naman sa lisensyadong beterinaryo, at Shipping Permit na galing sa Bureau of Animal Industry at mga Regional Veterinary Quarantine Offices nito.

Matatandaang kinumpirma mismo ni DA XII Regional Executive Director Arlan Mangelen ang presensya ng ASF sa tatlong mga barangay ng kalapit na bayan ng Magpet Cotabato.

Ipinag utos na rin ng alkalde ang mahigpit na pagmomonitor ng mga pumapasok na buhay na baboy at mga produkto nito gaya ng mga processed pork meat products sa mga checkpoints papasok ng lungsod.

Kukumpiskahin agad ng mga otoridad ang mga produktong walang kaukulang dokumento, ayon pa sa EO na nilagdaan ni Mayor Evangelista.

Bunga nito, ay magbibigay din ng malawakang impormasyon ang Office of the City Veterinarian sa lahat ng nag-aalaga ng baboy pati na yaong mga nagbebenta ng mga produkto nito.

Agad isasagawa ang ‘culling’ o pagpatay sa mga baboy na makukumpirmang tinamaan ng ASF.
Ipagbabawal na rin ang pagtitinda ng karne ng baboy sa labas ng Mega Market na walang permiso mula sa NMIS para matiyak ang kaligtasan sa pagkain nito.

Ipinag-uutos naman sa mga karinderya at restaurants na tanging sa Mega Market lamang bumili ng karneng baboy dahil dumaan ang mga ito sa slaughterhouse at naisyuhan ng permit mula sa NMIS.

Bawal na rin ang swill feeding o pagpapakain ng tira-tirang pagkain sa mga alagang baboy lalo pa at ito ang itinuturong dahilan ng pagkalat ng ASF sa tatlong barangay ng Magpet.

Hinihikayat ang lahat na istirktong magpatupad ng ‘biosecurity’ measures sa mga hog farms para maiwasan ang posibleng pagkalat ng ASF.

Dapat agad makipag-ugnayan ang mga nag-aalaga ng baboy sa OCVET, barangay officials at animal health workers kung sakaling magkakaroon ng sakit ang mga baboy sa barangay para sa agarang aksyon ng City Government.