Posibleng hindi payagan ang pagpasok ng mga imbestigador ng International Criminal Court sa Pilipinas upang mag-interview sa mga testigo sa kontrobersyal na drug war ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, nananatiling matatag ang paninindigan ng administrasyong Marcos na hindi kilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Maaari aniyang ituring bilang ‘undesirable alien’ ang mga imbestigador kung ipilit nilang pumasok sa bansa at ipilit na kausapin ang mga testigo sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon sa crimes against humanity ni dating PRRD.
Ayon pa kay Guevarra, hindi rin pwedeng basta na lamang mag-silbi ng warrant of arrest ang ICC kung sakaling maglalabas man ang Pre-Trial Chamber nito dahil kailangang idaan ang naturang warrant sa diplomatic channel o sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs(DFA).
Maaaring tatanggapin lamang ng DFA ang warrant at kung panindigan ni PBBM na hindi makipag-cooperate sa ICC ay hindi hindi rin naman ito ipapadala sa mga law enforcement agencies na sila sanang magsisilbi sa warrant.
Paliwanag pa ni Guevarra, sakali mang dumulog ang ICC sa International Criminal Police Organization, hindi rin ito matutulungan ng international police body dahil wala itong police force.
Sakali man aniyang matanggap ng Interpol ang Warrant, ipapadala din ito sa Philippine National Police na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government(DILG), isang sangay ng pamahalaan na direktang nasa supervision ni PBBM.