Susupindihin muna ng Taiwan ang pagpasok ng lahat ng mga nonresident travelers matapos maitala ang unang kaso ng bagong variant ng coronavirus na unang natuklasan sa United Kingdom.
Ayon kay Minister of Health and Welfare Chen Shih-chung, na siyang pinuno ng Central Epidemic Command Center, simula Enero 1 ay ipagbabawal muna ng Taiwan ang lahat ng mga banyaga, maliban sa mayroong hawak na resident permit o iba pang mga kaukulang dokumento.
Maliban dito, hindi rin papahintulutan ang pagpasok ng mga taga-mainland China, Hong Kong at Macau.
Kasama rin aniya sa mga travel restrictions, na inaasahang tatagal ng isang buwan, ang mga flight transfers.
Paglalahad ni Chen, na-detect ang unang kumpirmadong kaso ng bagong coronavirus variant sa isang Taiwanese na nanggaling sa Britain.
Dinala raw sa ospital ang pasyente makaraang makaranas ng lagnat.
Batay sa pinakahuling datos, may 797 kaso na ng COVID-19 ang Taiwan. (Kyodo News)